Saturday, May 30, 2026

House Prosecution Team, umaasa na direktang sagot sa mga alegasyon ang isusumite ni VP Duterte sa Senate impeachment court

Sa lunes, June 1, ang itinakdang deadline ng Senate impeachment court para magsumite si Vice President Sara Duterte ng sagot sa mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment.

Umaasa si House Trial Spokesperson at House Assistant Minority Leader Rep. Renee Co na direktang sasagutin ni VP Duterte ang nilalaman ng impeachment case at hindi ito tutuon muli sa mga teknikalidad at procedural issues.

Batay sa proseso, kapag nakasumite na si VP Duterte ng sagot ay bibigyan naman ang House Prosecution Team ng limang araw para maghain ng tugon at masusundan na ito ng pre-trial.

Sa July 6 inaasahang magsisimula ang impeachment trial, pero ayon kay Rep. Co wala pa silang opisyal na abiso na natatanggap mula sa Senado kaugnay sa nabanggit na schedule.

Tiniyak naman ni Co na noon at hanggang ngayon ay handa ang House prosecution team na himay-himayin ang ebidensya at ihatid ang mga legal na argumentong susuporta sa nilalaman ng articles of impeachment.

Facebook Comments