Umaasa ang Department of Health (DOH) na magtutuloy-tuloy na ang pagbaba o ang downtrend ng mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa lalo na sa Metro Manila sapagkat wala namang malalaking event pa na inaasahan sa mga susunod na araw.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na dapat tandaan ng publiko na hindi lamang mass gatherings ang dahilan ng pagtaas ng kaso kundi pati na rin ang galaw o mobility ng mga tao.
Kahit hindi kasi aniya magkaroon ng mga pagtitipon pero kung hindi naman nasusunod ng tama ang mga health protocol sa paglabas ng bahay tulad ng pagsusuot ng mask, paghuhugas at pag-iwas ay malaki pa rin ang tyansang makapitan ng virus.
Kasunod nito, umaapela ang opisyal sa publiko na palagiang sundin ang health protocols at huwag magpapakampante.
Patuloy rin nitong hinihikayat ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na habang ang mga fully vaccinated ay magpa-booster shot na para sa karagdagang proteksyon.