Muling nakatakdang igawad sa lokal na pamahalaan ng Alaminos City ang ISO Certification matapos matagumpay na makapasa sa isinagawang evaluation para sa Quality Management System o QMS ng lungsod.
Isinagawa ang assessment ng Certification Partner Global Philippines Incorporated bilang bahagi ng pagsunod ng lungsod sa internationally recognized standards para sa management at governance.
Ayon sa lokal na pamahalaan, patunay umano ang nasabing pagkilala sa patuloy na paninindigan ng lungsod sa dekalidad na serbisyo publiko, good governance, at pagpapabuti ng mga proseso upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Ipinunto rin na malaking bahagi ng pagkakamit ng certification ang kooperasyon ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan at ng mga residente ng lungsod.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na mas lalo pang mapalalakas ang tiwala ng publiko at maipagpapatuloy ang pagbibigay ng mabisa at maayos na serbisyo para sa mga Alaminian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









