PBBM, bukas sa bagong bersyon ng teenage prevention bill

Hindi pa masabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung magbabago ang kaniyang pananaw sa kontrobersyal na Senate Bill 1979 o ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill, na panukalang tutugon sa lumalaganap na teenage pregnancy sa bansa.

Ito’y matapos ihain ni Senator Risa Hontiveros ang substitute bill sa panukala kasunod ng pagbawi ng ilang Senador sa kanilang mga lagda sa committee report.

Ayon kay Pangulong Marcos, kinakailangan munang mabasa niya ang nasabing substitute bill.


Dito ibabase ng Pangulo kung magbabago ang pananaw pagdating sa usapin.

Mariin kasing tinutulan ng Pangulo ang ilang nilalaman ng panukala matapos niya itong mabasa noong weekend.

Partikular daw na ikinagulat ng Pangulo ang mga probisyon sa bill na nagsusulong na turuan ng maseselang bagay kahit ang mga apat na taong gulang na bata.

Pero sa substitute bill na inihain ni Hontiveros, inalis ang katagang “guided by international standards” at nilinaw din sa panukala na ang adolescents ay mga kabataang edad sampu hanggang 19 na taong gulang.

Sa nasabing edad lamang din ituturo ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) na siyang tutugon sa problema ng teenage pregnancy bilang health issue sa mga batang ina at sa kanilang mga sanggol.

Facebook Comments