
Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na agad magtalaga ng kapalit ng dalawang commisioners na nakatakdang magretiro sa susunod na buwan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, magreretiro sa darating na Pebrero sina Commissioners Socorro Inting at Marlon Casquejo matapos ang kanilang pitong taong termino.
Sinabi ni Garcia, na mahalagang mapunan agad ang mababakanteng posisyon upang maging normal ang kanilang preparasyon at operasyon lalo na’t ilang buwan na lamang ay eleksyon na.
Binigyan diin ni Garcia na importante na makumpleto ang seven-man Commision-en-Banc sa pagresolba ng election cases.
Kaugnay nito, patuloy na nakatutok ang Comelec sa ginagawang paghahanda sa 2025 Midterm Elections sa kabila ng pagka-antala ng pag-imprenta ng balota.