
Nakaalis na ng bansa patungong Vatican City State si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos para dumalo sa libing ni Pope Francis.
Kasunod nito, ipinag-utos ng Pangulo ang pagbuo ng executive committee na siyang mangangasiwa sa mga tungkulin at operasyon ng Office of the President habang siya ay nasa Vatican.
Sa ilalim ng Special Order No. 424, nakasaad na pamumunuan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang komite, habang magiging miyembro naman nito sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.
Magtatagal si Pangulong Marcos sa Vatican hanggang April 28, araw ng Lunes.
Ayon sa Palasyo, personal na makikiramay ang First Couple dala ang dasal at pakikiramay ng sambayanang Pilipino, na may mainit na alaala sa pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas noong 2015.
Makakasama ng pangulo at ng Unang Ginang ang nasa 170 dignitaries, kabilang ang mga heads of state, at ang libo-libong mananampalatayang sasaksi sa seremonya ng libing ni Pope Francis.