
Imumungkahi ng Philippine National Police (PNP) na maituring na election-related incident ang pagpaslang kay Rizal, Cagayan Mayor Joel Ruma.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño, sa ganitong paraan ay makakagawa ng mas maayos na plano ang Commission on Elections at iba pang ahensya ng gobyerno kaugnay sa seguridad ngayong halalan sa nasabing lalawigan.
Ipinaliwanag ni Tuaño na sa ilalim ng panuntunan, itinuturing na election-related ang isang krimen kapag sangkot o biktima ay isang kandidato, supporter, o election officer.
Samantala, sinabi ng pamilya ni Mayor Ruma sa PNP na wala naman itong natanggap na anumang banta sa buhay bago ang naturang insidente.
Una nang sinabi ni Tuaño na kasama sa tinitignang anggulo sa pagpaslang sa alkalde ay may kinalaman sa politika.
Nabatid na si Ruma ay incumbent mayor at tumatakbo para sa ikalawang termino bilang alkalde.