
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo na tanggapin sa mga transaksyon ang mga authenticated digital version na mga government IDs.
Nagtataka ang senador dahil hinihikayat ng gobyerno ang mga Pilipino na gumawa ng mga egov.ph account kung saan nakalagay ang mga digital IDs pero hindi ito tinatanggap sa mga transaksyon.
Sa Senate Bill 2590 o ang Government-Issued Digital Identification Acceptance Act na inihain ni Tulfo, inaatasan ng panukala ang lahat ng ahensya, local government units (LGUs), government-owned or controlled corporations (GOCCs), at government financial institutions (GFIs) na tanggapin ang mga authenticated na digital version ng mga valid government-issued ID bilang sapat na katibayan ng pagkakakilanlan.
Sa panukala, ang mga ahensya at tanggapan ng gobyerno ay dapat na magpatupad ng mga makatwirang proseso para sa authentication at verification ng digital identification.
Hindi naman nililimitahan ng panukala ang mga kababayang mas nais na magpakita ng physical ID bilang patunay sa pagkakakilanlan.
Pinapayagan din ang mga ahensya na humingi ng karagdagang hakbang sa beripikasyon kung kinakailangan upang maiwasan ang panloloko, identity theft, o hindi otorisadong paggamit ng ID.










