
Padadalhan ng subpoena ng House Committee on Justice si dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV at ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Si Trillanes at kinatawan ng AMLC ay pinapaharap ng komite sa susunod na impeachment hearing sa April 22 kung saan target talakayin ang alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint na mayroong kaduda-dudang yaman si VP Duterte.
Si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na syang endorser ng ikatlong impeachment complaint ang nagsulong na paharapin si Trillanes sa impeachment proceedings habang hiniling naman ito ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña sa komite sa pamamagitan ng isang liham.
Magugunitang tumestigo si Trillanes noong 19th Congress sa pagdinig ng House Quad Committee kaugnay sa bank accounts ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kanyang pamilya kasama si VP Sara.
Bukod sa umano’y ill-gotten wealth ay bubusisiin din ng komite sa April 22 impeachment hearing ang mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara, mga bank transactios, at income tax returns.










