
Muling nakaranas ng harassment ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga miyembro ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang patungo sa Sandy Cay 2 at 3 Islands sa West Philippine Sea.
Sa ginanap na Saturday News Forum, sinabi ni Commodore Jay Tarriela , tagapagsalita ng PCG sa West Philippine Sea na tatlong mga barko ng China Coast Guard ang nagsagawa ng dangerous maneuvers o delikadong maniobra, at nakaiwas sa banggaan ang barko ng Pilipinas.
Paliwanag pa ni Tarriela, bukod sa mga barko ng China Coast Guard ang helicopter ng China ay nagsagawa ng intensiyonal na low altitude flying o napakababang paglipad upang malagay sa kapahamakan ang PCG at BFAR na lulan ng inflatable rigid hull boat na magsasagawa sana ng scientific research o sand sampling sa Sandy Cay 3 na hinabol din ng apat na iba pang speed boat ng China.
Dagdag pa ng opisyal na bagamat narating ang Sandy Cay 3, hindi na itinuloy ng PCG at BFAR ang misyon na kumuha ng sand sampling sa Sandy Cay 2 at 3.
Giit pa ni Tarriela, makailang ulit binatuhan ng radio challenge ang mga barko ng China Coast Guard at helicopter ng China.
Ipaaabot ng PCG at BFAR ang pangyayaring ito kahapon sa Task Force West Philippine Sea na isa na namang patunay na paglabag sa International Law ng China at hindi paggalang sa sovereign rights ng bansa.