PCG, walang kakayahan magbigay ng deadline para umalis ang mga barkong iligal na nasa karagatan ng Pilipinas

Aminado ang Philippine Coast Guard (PCG) na wala silang kakayahan na magbigay ng palugit sa mga dayuhang barko na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Sa gitna pa rin ito ng patuloy na pananatili ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa may bahagi ng Zambales.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang tungkulin nila ay i-monitor at i-challenge ang iligal na presensiya ng China sa ating teritoryo.


Hindi na aniya saklaw ng mandato ng ahensiya ang magpataw ng deadline o ultimatum sa coast guard ng ibang bansa.

Sa kabila niyan, una nang iginiit ng PCG na patuloy nilang babantayan ang mga barkong iligal na nananatili sa karagatan ng Pilipinas na naaayon sa International Law.

Kahapon nang umalis na sa bahagi ng Zambales ang tinaguriang “monster ship” ng China pero pinalitan naman ito ng isa pang barko na CCG-3304.

Facebook Comments