PCOO Secretary Andanar, inamin ang kapalpakan ng Philippine News Agency; Mga empleyado ng PNA, sasailalim sa re-training

Manila, Philippines – Hiyang-hiya si Presidential Communications Operations Office Sec. Martin Andanar sa kapalpakan ng Philippine News Agency hinggil sa maling pag-a-upload ng logo ng Department of Labor and Employment.

Sa budget hearing ng Kamara, muling nangako si Andanar na hindi na mauulit ang nangyaring kamalian sa PNA.

Aminado si Andanar na sobrang nakakahiya ang nangyari dahil umabot pa sa puntong naging katatawanan ang PNA.


Ang mga empleyado ng PNA ay idadaan ngayon sa re-training upang hindi na maulit ang mga kamalian.

Hindi naman aniya pwedeng basta na lamang sibakin ang mga empleyado ng PNA dahil ang mga ito ay sakop ng Civil Service Code pero ang mga nagkamali namang empleyado ay mahaharap sa maximum punishment.

Samantala, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na may maling nagawa ang PNA.

Una dito ay ang ginamit na larawan na Vietnam war sa istorya sa giyera sa Marawi at ang pag-a-upload ng komentaryo ng PNA ng Xinhua News Agency tungkol sa pro-China article sa isyu ng South China Sea.

Facebook Comments