Pinalalawak ng Pamahalaang Bayan ng Tayug ang kaalaman ng mga kinauukulan sa tamang paghawak ng mga reklamo laban sa mga pulis sa pamamagitan ng isang talakayan hinggil sa mandato at tungkulin ng People’s Law Enforcement Board o PLEB.
Isinagawa ang aktibidad sa Tayug Training Assessment and Center sa pangunguna ni Atty. Phillip Raymund S. River, Chairman ng Police Regional Appellate Board 1 ng NAPOLCOM Regional Office 1.
Tinalakay sa programa ang kapangyarihan at responsibilidad ng PLEB sa pagtanggap at pagdinig ng mga reklamo ng mamamayan laban sa mga miyembro ng Philippine National Police o PNP, gayundin ang wastong proseso sa pagresolba ng mga naturang reklamo.
Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng patas na pagdinig, pagsunod sa batas, at pananagutan sa hanay ng kapulisan upang mapangalagaan ang karapatan ng publiko.
Nakiisa sa aktibidad sina Mayor Tyrone D. Agabas, Vice Mayor Lorna L. Primicias, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Municipal Peace and Order Council, mga kinatawan ng PNP at DILG, mga department head, barangay officials, at iba pang organisasyong katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Layunin ng naturang talakayan na palakasin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng pamahalaan, at iba pang sektor sa pagsusulong ng isang pamayanang may kamalayan sa karapatan ng mamamayan at sa mga mekanismo ng pananagutan sa pagpapatupad ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments








