Tuesday, October 13, 2026

Tauhan ng Task Force Disiplina, sinibak sa serbisyo dahil sa umano’y pamamaril sa 3 indibidwal sa Quezon City

Kinumpirma ng Quezon City government, sa isang pahayag, na sinibak na sa serbisyo ang isang tauhan ng Task Force Disiplina, na sinasabing suspek sa pamamaril sa 3 indibidwal, kabilang na ang isang menor de edad, sa Barangay Batasan Hills kahapon, Oct. 12.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang nasabing suspek, maging ang umano’y paltik o improvised na armas na umano’y ginamit sa pamamaril.

Nilinaw naman ng pamahalaang lungsod na walang iniisyung baril sa mga tauhan ng Task Force Disiplina.

Tinitiyak naman ng pamahalaang lungsod na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para harapin ng suspek ang buong bigat ng batas at makamit ang hustisya para sa mga biktima.

Dagdag pa rito, susuriin din umano ang mga patakaran at proseso ng Task Force Disiplina, sa recruitment, screening, at pagsasanay ng mga tauhan, para matukoy at maitama ang anumang pagkukulang at maipatupad ang mga repormang magpapatibay sa disiplina, pananagutan, at integridad sa hanay nito.

Facebook Comments