Monday, August 24, 2026

Perang nawala sa mga bangko dahil sa sariling kapabayaan, hindi pwedeng bawiin —Supreme Court

Hindi maaaring bawiin ng mga bangko ang perang nawala sa kanila dahil sa sariling kapabayaan.

Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema kasunod ng isang insidente na nagkamali ang teller ng bangko nang magdeposito ang isang indibidwal.

Ayon sa SC, nagdeposito ang isang babae ng mahigit P150,000 na regional check pero nagkamali ang teller at itinuring itong local check.

Dahil dito, tatlong banking days lang ang hinintay bago lumabas ang halaga sa account sa halip na pitong banking days dapat para sa regional check.

Kalaunan, winithdraw na ng kliyente ang available na pera matapos makitang lumabas na ito sa kanyang account pero hiniling ng bangko na ibalik ang perang na-withdraw niya.

Pero ayon sa Kataas-taasang Hukuman, hindi napatunayan na alam ng kliyente na hindi dapat available sa kanya ang pera nang mag-withdraw ito.

Sa halip, nakita ng korte na ang naturang bangko mismo ang nagkamali sa pagproseso ng tseke at hindi sumunod sa sarili nitong procedures.

Dahil dito, sinabi ng Korte na hindi maaaring gamitin ng bangko ang prinsipyo ng unjust enrichment o solutio indebiti para bawiin ang pera dahil nagmula ito mismo sa kanilang gross negligence.

Iginiit pa ng SC na dahil public interest ang banking business ay dapat pinakamataas na antas ng pag-iingat ang ipinapakita ng mga bangko sa paghawak at pag-lalabas ng pera.

Facebook Comments