
Iginiit ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na kasama sa ilalabas na ruling ni presiding officer Chiz Escudero tungkol sa pagiisyu ng mga public statements ang lahat ng sakop ng rule 18 ng impeachment court.
Ito ay kaugnay sa ilalabas na ruling ng Senate Impeachment Court tungkol sa naging post sa social media ni Atty. Amando Ligutan ng prosecution team laban sa depensa ukol sa usapin ng misleading question na inalmahan ni Atty. Shiela Sison ng defense team.
Ayon kay Tongol, kasama sa ilalabas ng ruling ang lahat ng sakop ng rule 18 kabilang ang respondent na si Vice President Sara Duterte, ang mga panel of prosecutors, mga abogado ng prosekusyon at depensa at maging ang mga senator-judges.
Iniiwasan sa ilalabas na ruling ng senate impeachment court na matalakay ang merito ng kaso at ipaalala sa mga abogado, respondent at senator-judges ang nararapat na asal at decorum.
Kahit maglabas na ng ruling ang Impeachment Court, sinabi ni Tongol na patuloy pa rin ang Clerk of Court Secretariat sa pagmomonitor sa mga remarks, comments o pahayag na inilalabas ng magkabilang panig.










