
Sinita ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang 25 sa 65 gasolinahan na kanilang sinuri sa ibat-ibang lalawigan sa rehiyon ng Luzon kasunod ng kanilang malawakang fuel marking enforcement katuwang ang Bureau of Customs o BOC.
Isinailalim sa inventory ang mga apektadong gasolina habang nilagyan naman ng padlock ang kanilang mga pump habang hinihintay ang confirmatory testing.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, mas paiigtingin pa ng ahensya ang paggamit ng fuel marking para matukoy ang revenue leakage at protektahan laban sa unfair competition ang mga sumusunod sa batas.
Papatawan ng kaukulang buwis at penalty ang sinumang mapapatunayang may paglabag, gayunpaman ay maaari parin umano itong humiling ng corrective marking matapos magbayad.
Sinimulan ang fuel marking operations noong Lunes, August 17 at magpapatuloy pa ng ilang linggo, sa pangunguna ng mga BIR Regional director katuwang ang BOC at authorized fuel marking provider, para masigurong hindi ito one-time operation lang.
Matatandaang ang fuel marking ay ang sistema ng gobyerno para siguruhin na bayad ang buwis ng gasolina, diesel, at kerosene bago ibenta sa merkado.










