Monday, August 24, 2026

PBBM, binisita ang daan-daang evacuees sa Bacolor, Pampanga na apektado ng malawakang pagbaha

Nasa daan-daang pamilyang inilikas dahil sa malawakang pagbaha ang binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pampanga.

Nasa 216 na pamilya o katumbas ng 836 na indibidwal ang kasalukuyang naninirahan sa Bacolor Integrated School Evacuation Center sa Bacolor, Pampanga na apektado ng pagbahang dulot ng nagdaang bagyo at pinalakas na habagat.

Kaugnay nito, dumalo rin si Pangulong Marcos Jr. ang pamamahagi ng P10,000 ayuda sa mga apektadong pamilya sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.

Bukod dito, naghatid din ang pamahalaan ng family food packs at mainit na pagkain sa mga evacuee sa pamamagitan ng mobile kitchen.

Ayon sa pangulo, tuloy-tuloy ang kanilang pagbibigay ng ayuda at iba pang suporta sa mga apektadong pamilya kasabay ng pagtugon sa problema sa pagbaha.

Batay sa datos, nasa 559 pamilya o mahigit 2,200 indibidwal ang nananatili sa 11 evacuation centers sa bayan ng Bacolor.

Facebook Comments