Natuldukan na ang matagal nang problema sa mabahain at madulas na kalsada sa bahagi ng E.P. Nava Road sa Barangay Tapuac, Dagupan City matapos pormal na pasinayaan ang Phase 1 ng proyekto noong Lunes, Hulyo 13.
Pinangunahan ni Congresswoman “Manay Gina” de Venecia, kasama ang mga opisyal ng barangay, district engineer ng DPWH at iba pang stakeholders, ang inagurasyon ng unang yugto ng proyekto na nagkakahalaga ng ₱5 milyon.
Saklaw ng natapos na Phase 1 ang 280 metrong pavement at lateral drainage system, na inaasahang makatutulong upang mabawasan ang pagbaha at panganib na dulot nito sa mga motorista at pedestrian sa lugar.
Ayon kay Punong Barangay Sidney C. Lomboy, matagal nang suliranin ang pagbaha sa naturang kalsada at madalas nagiging sanhi ng mga aksidente dahil samadulas na daan. Aniya, may mga estudyante ring nakatira sa mga boarding house sa lugar na napilitang lumipat dahil sa hirap na dulot ng pagbaha.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cong. De Venecia na patuloy niyang susuportahan ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Dagupan City para sa kapakanan ng mga residente.
Inihayag din sa programa na nakahanda na ang pondo para sa Phase 2 ng proyekto. Gayunman, wala pang inanunsyong petsa kung kailan ito sisimulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










