Wednesday, August 19, 2026

PSYCHOLOGISTS AT PSYCHOMETRICIANS LICENSURE EXAM, INILIPAT SA SETYEMBRE; ILANG EXAMINEES, DISMAYADO SA ABISO

Inilipat ng Professional Regulation Commission o PRC ang schedule ng Psychologists at Psychometricians Licensure Examination dahil sa patuloy na masamang panahon dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Mula sa orihinal na schedule na Agosto 19 at 20, itinakda na ang examination sa Setyembre 1 at 2.

Ayon sa PRC, isinagawa ang rescheduling alinsunod sa payo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, kasunod ng mga Heavy Rainfall Warning ng PAGASA dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan.

Gayunman, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang examinees at mga magulang sa pagbabago ng schedule. Ayon sa ilan, sana ay mas maagang nailabas ang abiso upang nakapaghanda sila sa pagbabago, lalo na ang mga nakapaglaan na ng gastusin para sa biyahe, pagkain at matutuluyan kaugnay ng pagsusulit.

Pinapayuhan naman ng PRC ang mga examinee na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Regional Office para sa mga katanungan at bantayan ang mga opisyal na anunsyo para sa karagdagang detalye tungkol sa rescheduled examination.

Samantala, nauna nang sinimulan noong Agosto 17 ang Guidance and Counseling Computer-Based Licensure Examination sa Region 1, kung saan 49 examinees ang nakatakdang kumuha ng pagsusulit hanggang Agosto 18. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments