PUNONG BARANGAY NG BONUAN BINLOC, NILINAW ANG UKOL SA VIRAL VIDEO NG UMANO’Y PANANAKIT SA MENOR

Nilinaw ng Punong Barangay ng Bonuan Binloc na hindi niya umano piningot ang bata. Ayon sa kanya, sinusubukan lamang niyang alisin ang hikaw nito.

Dagdag pa niya, nadala umano ng damdamin at nabigla ang Tanod on duty dahil sa naging asal ng bata habang sila ay kinakausap kaya’t nauwi sa pananakit na makikita sa nag-viral na video.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Punong Barangay Wilmer Castanares ng Bonuan Binloc, mariin niyang itinanggi ang alegasyong sinaktan niya ang bata.

Aniya, hindi niya kailanman magagawang manakit ng isang bata, lalo na ng kanyang mga nasasakupan.

Inamin naman ng Punong Barangay na nasaktan ang bata dahil sa pabalang umano nilang pagsagot, nagtatawanan, at hindi seryoso sa kanilang pag-uusap.

Nabanggit din ni Castanares na hindi ito ang unang insidente ng umano’y pagnanakaw ng mga bata ng live wires sa kanilang barangay.

Bilang tugon sa insidente, agad na sinuspinde ang nasabing barangay tanod habang isinasagawa ang kaukulang proseso.

Sa ngayon, hindi pa umano nakakausap ng Punong Barangay ang mga magulang ng mga batang sangkot. Handa umano siyang makipagpulong sa mga ito, sa lokal na pamahalaan, at sa iba pang kaukulang ahensya upang magkaroon ng maayos na pag-uusap at matukoy ang mga nararapat na hakbang kaugnay ng insidente.

Dagdag pa niya, nagsagawa na rin ng mga hakbang ang Barangay Bonuan Binloc upang matigil ang umano’y pagnanakaw ng mga bata ng live wires sa kanilang lugar.

Humingi rin ng kooperasyon ang Punong Barangay sa lokal na pamahalaan at sa mga magulang upang higit na mabantayan ang mga kabataan at maiwasang maulit ang kaparehong insidente.

Nagbigay rin siya ng mensahe sa mga netizen na nagbigay ng iba’t ibang reaksyon at komento hinggil sa nag-viral na video. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments