Thursday, July 30, 2026

Philippine Navy, iniimbestigahan na ang pagkasawi ng kanilang trainee

Nagsasagawa na ng pormal na imbestigasyon ang Philippine Navy sa pagkasawi ng isa nilang trainee noong nakaraang linggo.

Ayon kay Navy spokesperson Capt. Marissa Arlene Martinez, ang nasabing Naval Officer Candidate na si Aldwayne Dulnuan ay nasawi pagkatapos makumpelto ang 5 kilometrong pagtakbo sa Naval Station Leovigildo Gantioqui.

Ayon sa ulat, nakaranas umano sya ng pagkahilo at matinding panginginig ng katawan noong July 21 bago nawalan ng malay.

Lumabas naman sa initial medical assessment na nakaranas ng cardiac arrhythmia, heat exhaustion, at electrolyte imbalance ang trainee at dinala sa hospital para bigyan ng atensyong medikal kung saan dinala sya sa Intensive Care Unit at na- diagnos ng heat stroke.

Para mas matutukan ang nasabi nyang kondisyon, inilipat sa Ulticare Medical Center Inc. ang trainee pero sa kabila nito ay binawian na sya ng buhay noong July 22.

Lumabas na nagkaroon sya ng severe infection na nakaapekto sa kanyang central nervous system at nakompromiso pa ang kanyang respiratory system.

Sa ngayon, wala namang nakikitang indikasyon ng foul play ang Navy sa insidente.

Gayunman, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa otoridad para malaman ang buong nangyari na humantong sa pagkasawi ng nasabing trainee.

Facebook Comments