
Hindi maituturing na “political prisoners” sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta.
Ito ang tugon ni Malacanang matapos igiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa kanyang kontra-State of the Nation Address (SONA) na may umiiral na “selective justice” sa bansa at dapat payagang makapagpyansa ang dalawang senador.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, personal na opinyon lamang ni Cayetano ang naturang pahayag at wala itong kinalaman sa magiging pasya ng Sandiganbayan.
Iginiit din niya na ang korte lamang ang magpapasya kung maaaring makapagpyansa ang mga akusado batay sa mga ebidensiyang iniharap sa kanilang mga kaso.
Dagdag pa ni Castro, kung naniniwala si Cayetano na may bahid ng pulitika ang mga kaso, maaari niya itong patunayan sa korte bilang abogado nina Estrada at Marcoleta.
Binigyang-diin din ng Palasyo na may pagkakataon ang dalawang senador na depensahan ang kanilang sarili at pabulaanan ang mga paratang habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kanilang mga kaso.










