
Naglabas ang Pasig City Regional Trial Court (RTC) ng status quo ante order na pansamantalang nagpapatigil sa implementasyon ng ₱85 dagdag sa arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila.
Sa dalawang pahinang kautusan, bahagyang pinagbigyan ni Pasig RTC Executive Judge Achilles Bulauitan ang petisyon na inihain ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc.
Dahil sa kautusan, iiral pa rin ang dating minimum wage rate habang dinidinig ng korte ang Wage Order No. NCR-26 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region.
Matatandaang inaprubahan ng RTWPB-NCR ang P85 na umento sa minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila, na nakatakdang magtaas ng arawang sahod ng mga non-agriculture workers mula P645 tungo sa P730.
Samantala, inaaasahang magkakaroon pa ng mga susunod na pagdinig kaugnay sa pagpapatupad ng wage order.










