Friday, July 24, 2026

₱10–12 milyong halaga ng hot meat, nakumpiska ng NBI-NCR

Aabot sa 24 na tonelada ng hot meat ang kinumpiska ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) at National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture (DA) sa dalawang cold storage sa Valenzuela City at Malabon City.

Ayon kay NBI-NCR Director Emeterio Dongallo Jr., posibleng umabot sa ₱10–12 milyon ang market value ng kontrabandong pork diaphragm na hinahaluan ng taba ng baka para palabasing baka ang mga ito.

Dalawang indibidwal ang inaresto ng NBI at ipinagharap ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9292 o Meat Inspection Code of the Philippines.

Ayon sa NBI, pangunahing bagsakan ng naturang mga kontrabando ang ilang restaurant, paresan, at karinderya.

Mahigit ₱200 kada kilo lamang, anila, ang ibinebenta ng mga karne at bultuhan ito, kumpara sa ₱600 kada kilo ng sariwang karne ng baka.

Susunugin o sisirain ng DA ang nakumpiskang kontrabando dahil posible itong nagtataglay ng sakit, lalo na ang foot-and-mouth disease.

Facebook Comments