Monday, July 27, 2026

Seguridad sa bahagi ng Commonwealth Avenue, nananatiling mahigpit matapos ang SONA ni PBBM

Mahigpit na seguridad pa rin ang ipinatutupad ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kahit tapos na ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bagama’t natapos na ang SONA, nagtutulungan pa rin ang mga tauhan ng PNP, iba pang ahensya ng pamahalaan, at mga kawani ng Quezon City Local Government Unit (LGU) upang matiyak ang maayos na pagtatapos ng mga programa at kilos-protesta na may kaugnayan sa SONA.

Dahil sa mga kilos-protesta at programa, nakararanas pa rin ng mabigat na daloy ng trapiko mula Zuzuarregui Street hanggang Saint Peter’s Church sa bahagi ng Commonwealth Avenue.

Hindi pa rin ibinabalik sa normal ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue. Mananatili rin ang zipper lane na ipinatupad sa lugar hanggang sa makaalis ang mga kongresista, panauhin, VIP, at iba pang dumalo sa SONA sa Batasang Pambansa.

Isa-isa na ring nag-uwian ang mga grupong nagsagawa ng kilos-protesta, habang tinatapos na rin ng mga tagasuporta ni Pangulong Marcos ang kanilang programa.

Facebook Comments