Ayon sa konseho, isa sa pangunahing dahilan ay ang mga ulat na may mga menor de edad na umuuwi na ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw dahil sa paggamit ng pisonet.
Suportado naman ang mga opisyal ng barangay partikular sa Barangay Pantal, kabilang ang chief tanod na si Kagawad Orly, matapos umanong mapansin ang pagdami ng kabataang gumagala sa gabi.
Nagbigay naman ng rekomendasyon ang City Health Office (CHO) ukol sa tamang paggamit ng digital technology na i-regulate umano ang paggamit para sa mga edad 1 hanggang 5, habang ang mga edad 6 hanggang 17 ay dapat limitahan sa isang oras kada araw na may gabay ng magulang.
Binigyang-diin ng CHO na ang labis na paggamit ng gadgets at online content ay may negatibong epekto sa kalusugan at pag-uugali ng kabataan.
Kaugnay nito, isiniwalat ng Women Development Center, sa pangunguna ni Irene L. Ferrer, ang isang kaso sa isang barangay sa lungsod kung saan umano’y nakapanood ng explicit content ang ilang menor de edad.
Ayon sa ulat, may alegasyon na ang naturang exposure ay nakaimpluwensya sa insidente ng pangmomolestiya o panggagahasa sa isang menor de edad sa isang isolated na lugar sa Barangay Pantal.
Dalawang na umanong magkahiwalay na kaso ng kahalintulad na insidente ang naitala ngayong taon.
Sa kabila nito, nagpahayag ng pangamba ang ilang pisonet operators na maaaring malugi ang kanilang hanapbuhay kung tuluyang ipagbawal ang mga menor de edad, dahil sila ang pangunahing kustomer.
Ibinahagi rin nila na ang ilan sa kanilang mga establisimyento ay may CCTV upang mabantayan ang mga aktibidad ng mga gumagamit.
Sa halip na total ban, iminungkahi nilang palakasin ang responsibilidad ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak.
Samantala, ayon sa konseho, nakatakda pang pulungin ang mga magulang at guro ukol sa isinusulong na draft ordinance sa mga susunod na araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








