
Binigyang-diin ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na walang kapalit na pabor o kabayaran ang findings ng House Committee on Justice na may probable cause ang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ni Ortega, walang basehan at malinaw na paglihis lang sa isyu ang alegasyon na may kapalit o may nagsuhol sa mga miyembro ng komite para paboran ang pagpapa-impeach kay VP Sara.
Ayon kay Ortega, ang nagkakaisang pasya ng 53 mga miyembro ng komite ay nakabatay sa mga ebidensya tulad ng mga dokumento, official records, sinumpaang salaysay, at beripikadong financial documents na ipinresenta sa impeachment hearings.
Bunsod nito ay nananawagan si Ortega sa publiko na huwag pansinin ang mga pinalulutang na kwento na layuning guluhin ang proseso ng impeachment na nakapaloob sa ating Konstitusyon.










