Patuloy na nananatili sa Calasiao Sports Complex ang maraming evacuees na naapektuhan ng pagbaha.
Habang hinihintay nilang humupa ang tubig at bumalik sa normal ang kanilang sitwasyon, sinikap naman ng Calasiao Municipal Police Station na maibsan kahit kaunti ang kanilang pagkabagot at pangamba.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Calasiao PNP ang isang film viewing activity para sa mga evacuees. Sa pamamagitan ng simpleng pagtatanghal ng pelikula, nabigyan ng pagkakataong makapagpahinga at magsaya ang mga bata, maging ang kanilang mga magulang at iba pang evacuees na sabik nang makauwi at makapagsimulang muli.
Ngunit hindi rito nagtapos ang kanilang inisyatiba.
Dahil suspendido ang klase bunsod ng kalamidad, pansamantalang nagsilbing mga guro ang mga police “ma’am” at “sir” para sa mga kindergarten at Grade 1 learners sa evacuation center. Sa pamamagitan ng interactive learning activities at paggamit ng mga coloring materials na kanilang ipinamahagi, naging mas masaya at makabuluhan ang oras ng mga bata sa kabila ng kawalan ng pasok.
Sa bawat guhit ng krayola at bawat ngiti ng mga bata, tila nabawasan ang bigat ng kanilang nararanasan.
Maaaring simple lamang ang mga aktibidad na isinagawa ng mga kapulisan, ngunit para sa mga batang pansamantalang malayo sa kanilang tahanan, ang mga sandaling ito ay nagsilbing pahinga mula sa pangamba at pagkabagot.
Sa gitna ng unos, ipinakita ng Calasiao PNP na ang serbisyo sa komunidad ay hindi lamang nasusukat sa pagpapanatili ng seguridad.
At sa araw na tuluyang humupa ang unos, kasama ng kanilang mga pamilya, ang mga batang ito ay muling babangon—dala ang mga alaala ng mga taong, kahit sa gitna ng krisis, ay piniling maghatid sa kanila ng saya at pag-asa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








