Hindi lamang dami ng ulan at pagtaas ng tubig mula sa mga ilog ang sinisilip na dahilan ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng Dagupan City, partikular sa Mayombo–Caranglaan at sa kahabaan ng Burgos Extension hanggang Downtown Area.
Isa sa mga nakikitang problema sa Mayombo at Caranglaan ang hindi pa ganap na pagkakakonekta ng ilang kasalukuyang drainage line sa pangunahing daluyan ng tubig. Ganito rin ang sitwasyong sinisilip sa downtown area, partikular sa bahagi mula sa harap ng Saint John Cathedral hanggang Quintos Bridge.
Dahil dito, kahit may mga naipatupad at nakalaang drainage improvement projects, nananatiling hamon ang mabilis na pagpapalabas ng tubig-baha hangga’t hindi ganap na magkakaugnay ang drainage network sa mga naturang lugar.
Hindi rin bagong suliranin sa Dagupan ang pagbaha. Sa loob ng maraming taon at sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon, paulit-ulit nang nararanasan ng lungsod ang malawakang pagbaha tuwing nagsasabay ang matinding pag-ulan, pagtaas ng tubig sa mga ilog at iba pang kondisyon na nagpapabagal sa paglabas ng tubig.
Sa kasalukuyan, kabilang ang drainage improvement at flood-mitigation projects sa mga hakbang na isinusulong ng city government upang tugunan ang matagal nang problema.
Dagdag pa rito ang heograpikal na kalagayan ng Dagupan bilang isang catch basin. Tumatanggap ang lungsod ng tubig na bumababa mula sa mas matataas na lugar bago ito tuluyang dumaloy patungong Lingayen Gulf. Nagiging mas komplikado ang sitwasyon kapag nagsabay ang malakas at matagal na pag-ulan, mataas na lebel ng mga ilog at pagtaas ng tubig-dagat.
Ayon sa City Engineering Office, mayroon umanong nakalaang pondo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa road elevation at drainage projects sa ilang apektadong lugar. Layunin ng mga proyektong ito na mapahusay ang daluyan ng tubig at maikonekta ang mga bahagi ng drainage system na hindi pa ganap na magkakaugnay.
Sa gitna ng panibagong pagbaha sa lungsod, lumilitaw na hindi lamang umano paglilinis at pagpapalalim ng mga kanal ang kailangang tugunan. Ang mas malaking hamon ayon sa city government ay ang pagkumpleto ng isang tuluy-tuloy at interconnected na drainage system na matagal nang kailangan ng Dagupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










