
Nagprotesta sa tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang grupong KATRIBU, kasama ang ilang katutubo mula Kalinga, Pampanga at Palawan, kasabay ng paggunita sa World’s Indigenous People’s Day ngayong Biyernes ng umaga, August 14.
Kinondena ng mga grupo ang umano’y pagkukulang ng NCIP sa pagprotekta sa karapatan at ancestral lands ng mga katutubo.
Ayon kay KATRIBU Secretary-General Funa-ay Claver, nakakapasok umano sa mga lupang ninuno ang ilang mapanirang proyekto nang walang tunay na Free, Prior and Informed Consent o FPIC.
Tinutulan din ng grupo ang ilang mining projects at nagpahayag ng pangamba sa posibleng epekto ng Pax Silica Initiative sa mga ancestral domain.
Binatikos din nila ang umano’y militarisasyon, red-tagging, harassment at sapilitang paglikas na nararanasan ng ilang Indigenous communities.
Ayon sa KATRIBU, patuloy nilang ipaglalaban ang proteksyon ng ancestral lands at karapatan ng mga katutubo sa sariling pagpapasya.
Wala pang nakasaad na tugon o pahayag mula sa NCIP sa impormasyong ibinigay kaugnay ng protesta.










