DAGUPAN TARGET ABUTIN ANG 26,000 PAMILYANG APEKTADO NG BAHA; DAGDAG NA RELIEF SUPPLIES, HINIHINGI SA DSWD

Patuloy ang malawakang pamamahagi ng relief goods sa Dagupan City para sa mga pamilyang naapektuhan ng matagal na pagbaha.

‎Ayon sa lokal na pamahalaan, target nitong maabutan ng food at non-food assistance ang 26,000 pamilya, kasabay ng patuloy na koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 1.

‎Sinabi ng alkalde na malaking tulong ang mga supply mula sa DSWD dahil limitado ang sariling resources ng lungsod para tugunan ang pangangailangan ng libu-libong apektadong residente.


‎Bukod sa DSWD assistance, mayroon ding relief goods na pinondohan mula sa calamity fund ng lungsod at nakahanda na para sa pamamahagi sa mga apektadong komunidad, kabilang ang Bonuan Binloc at Bonuan Gueset.


‎May mga karagdagang food packs din umanong nagmula sa ibang opisyal ng pamahalaan. Kabilang dito ang humigit-kumulang 3,000 food packs na ayon sa alkalde ay naipamahagi rin sa pamamagitan ng tanggapan ng kongresista.


‎Gayunman, nananatiling hamon ang pondong kakailanganin sakaling magtagal pa ang pagbaha.

‎Ayon sa alkalde, limitado na ang maaaring pagkunan ng lungsod para sa patuloy na disaster response kaya humihingi pa siya ng karagdagang relief allocation mula sa DSWD.

‎Target umano ang dagdag na 20% na assistance bilang paghahanda sa patuloy na pangangailangan ng mga pamilyang nananatiling apektado ng baha.


‎Bagama’t unti-unti nang humuhupa ang tubig sa ilang lugar, may mga komunidad pa ring nakararanas ng mataas na baha at mayroon ding mga pamilyang nananatili sa evacuation centers.

‎Patuloy naman ang relief operations at monitoring ng lokal na pamahalaan habang nakahanda ang mga disaster response personnel sakaling magpatuloy ang pag-ulan at muling tumaas ang tubig sa mga mabababang bahagi ng lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments