
Plano ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iangkop sa iba pang bahaing lugar sa bansa ang mga hakbang na naging epektibo sa Navotas at buong Camanava area.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nakatulong sa pagbawas ng baha ang muling pagpapagana sa mga pumping station na matagal nang hindi gumagana, pag-aayos sa mga puwang sa mga dike at pagtatayo ng navigational gate para mapigilan ang pagpasok ng tubig.
Naging mahalaga rin aniya ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang.
Gayunman, kailangan ng ibang solusyon sa mga lugar tulad ng Hagonoy at Paombong sa Bulacan dahil hindi lamang lokal na tubig ang sanhi ng pagbaha sa mga ito.
Kailangan dito ng special intervention dahil nagmumula sa iba’t ibang lugar ang rumaragasang tubig.










