Maagang nagbabala ang Dagupan City Police Office laban sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng boga o improvised cannon sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa kapulisan, mahigpit na ipinagbabawal ang boga dahil sa panganib na maaari nitong idulot, kabilang ang matinding pinsala sa katawan, pagkasunog at iba pang aksidenteng maaaring mauwi sa pagkamatay.
Binigyang-diin ng pulisya na saklaw ng Republic Act 7183 at Executive Order No. 28 ang regulasyon at pagbabawal sa mga mapanganib na paputok at improvised cannon.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residente ng Dagupan na huwag gumawa o gumamit ng boga, maging sa mga residential area, kalsada at iba pang pampublikong lugar.
Partikular ding nanawagan ang kapulisan sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang hindi makagawa o makagamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
Hinikayat naman ang publiko na agad ireport sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga indibidwal na gumagawa, nagbebenta o gumagamit ng boga.
Paalala ng PNP Dagupan, maaaring maharap sa kaukulang parusa ang mga lalabag sa batas.
Layunin ng babala na maiwasan ang mga insidente ng pinsala at matiyak ang ligtas at mapayapang pagsalubong sa taong 2027. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










