PNP, may ‘person of interest’ na sa tangkang pagpatay kay Maguindanao del Sur Vice Mayor Samama

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na may ‘person of interest’ na ang Philippine National Police (PNP) sa pamamaril kay Datu Piang, Maguindanao del Sur Vice Mayor Datu Omar Samama.

Si Garcia ay nakipagpulong kanina sa mga opisyal ng PNP kaugnay sa ginagawa nilang paghahanda sa nalalapit na 2025 midterm elections.

Tikom naman ang bibig ni Garcia kung sino ang naturang POI at hindi na ito nagbigay pa ng karagdagang detalye sapagkat nagpapatuloy ang imbestigasyon dito ng Pambansang Pulisya.

Una nang kinondena ng Comelec ang pag-atake kay Samama na reelectionist ngayong May 2025 elections at dati ring kawani ng komisyon.

Matatandaang bumuo na ng Special Investigation Task Group “Vice Mayor Samama” ang Police Regional Office Bangsamoro upang matiyak ang mabilis na pagbibigay ng hustisya kay Samama.

Sa ngayon nasa stable condition na ang bise alkalde matapos magtamo ng gunshot wound sa kanyang tiyan.

Facebook Comments