
Sa harap ng nakamamatay na heat index sa Metro Manila at sa ibang lugar sa bansa, hinikayat ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang mga kompanya o employers na magtatag ng “Heat Risk Action Plan.”
Ayon sa TUCP, mahalagang isaalang alang ang kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa na bibiyahe patungong trabaho at sa mismong workplaces.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang ay ang pagkakaroon ng “heat break,” lalo na para sa mga outdoor workers, partikular sa pinakamainit na oras, mula alas onse ng umaga hanggang alas dos ng hapon.
Iminungkahi din nito ang isang “buddy system,” kung saan babantayan ng mga manggagawa ang kalagayan ng bawat isa.
Dapat ding magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng inuming tubig upang manatiling hydrated o makainom kahit na bago sila makaramdam ng uhaw.
Isinusulong din ang pagkakaroon ng heat stress orientation na may layunin na turuan ang mga manggagawa tungkol heat stress symptoms at ang agarang tugon dito.