Sunday, August 23, 2026

TRABAHO Party-List: Panahon na para magkaroon ng Calamity Pay Law

Tinatrabaho sa Kamara ni TRABAHO Party-List Rep. Johanne Bautista, ang pagsusulong ng House Bill No. 4435 o ang panukalang “Calamity Pay Law” para sa lahat ng empleyado sa pampubliko at pribadong sektor.

Ito ang solusyong inaksyunan ng may-akdang kongresista sa kawalan ng batas na nagbibigay ng karapatan sa mga empleyado sa private sector at government employees tuwing may kalamidad.

Layunin ng calamity pay bill na magbigay ng karagdagang 30 porsiyentong (30%) premium pay sa regular na sahod ng mga empleyado sa parehong pampubliko at pribadong sektor para sa mga empleyadong pumapasok sa trabaho tuwing may kalamidad.

Binigyang-diin ni Bautista sa explanatory note ng H.B. 4435 na ang pagbibigay ng calamity premium pay ay patas at makatarungang pagbabayad para sa panganib at sakripisyong sinuong ng mga empleyadong nagserbisyo sa oras ng kalamidad.

Ayon sa panukala, ipatutupad ang calamity premium pay kapag ang isang lugar ay isinailalim sa opisyal na State of Calamity, itinaas sa hindi bababa sa Typhoon Signal No. 3 o Red Rainfall Warning, nagkaroon ng suspensyon ng pasok mula sa gobyerno, o idineklarang matinding naapektuhan ng mga natural na kalamidad tulad ng lindol at baha.

Naglalaman din ang panukala ng mga probisyon upang protektahan ang mga manggagawa laban sa mga hindi makatarungang parusa.

Sa ilalim ng Seksyon 8 ng calamity pay bill, may proteksyon ang mga empleyado laban sa diminution of pay kung sila ay mahuli sa pagpasok dahil sa kalamidad.

Hindi rin sila maaaring patawan ng administratibong parusa kung sila ay mabigo o tumangging pumasok sa trabaho dahil sa napipintong panganib na dulot ng sakuna.

Kamakailan, sunud-sunod na hagupit ang dinanas ng bansa dahil sa epekto ng Habagat at mga Bagyong Luis, Maymay at Neneng.

Nitong linggo, nag-isyu naman ang DOLE ng Labor Advisory No. 14-26 upang abisuhan ang pribadong sektor na ang mga empleyadong papasok sa mga trabaho sa gitna ng masamang panahon ay makakakuha ng full regular pay, at no pay naman para sa mga hindi makakapasok; maliban na lamang kung may polisiya ang kompanyang mas pabor sa empleyado.

Facebook Comments