PNP, pinag-aaralan na ang legal na hakbang para matukoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng spliced video kaugnay sa PNP exemption sa drug test

Sinadya ayon sa Philippine National Police (PNP) ang ginawang pag-splice sa video ng panayam kay Civil Security Group Spokesperon Lt. Col. Eudisan Gultiano kaugnay sa exemption ng mga aktibong tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa drug test para sa renewal ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearm Registration (FR).

Iginiit ni PNP Spokesperson BGen. Jean Fajardo na hindi totoo na wala nang drug test sa mga uniformed personnel.

Regular aniyang sumasailalim sa annual drug test ang mga pulis at sundalo, bukod pa sa neuropsychiatric at drug tests tuwing may training o promotion.


Nilinaw rin ni Fajardo na ang exemption ay limitado lamang sa renewal ng LTOPF at FR, dahil sanay na ang mga pulis at sundalo sa paghawak ng baril.

Ayon pa sa opisyal, pinag-aaralan na ng PNP ang mga legal na hakbang upang matukoy kung sino ang nasa likod ng nagpakalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments