
Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sisikaping matuldukan ang gutom sa bansa bago matapos ang kanyang termino.
Sa paglulunsad ng programang “Biyayang Bigas” sa Maynila, iginiit ng Pangulo na prayoridad ng pamahalaan ang seguridad sa pagkain, lalo na ang suplay ng bigas.
Ayon sa Pangulo, layunin niyang masiguro na wala nang magugutom na Pilipino sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, kaya tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain.
Bahagi ng programa ang paggamit ng Local Government Support Fund, kung saan direktang ipinagkakaloob ang pondo sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang distribusyon ng tulong.
Sa Maynila, sinimulan na ang pamamahagi ng libreng bigas kung saan tinatayang 80,000 pamilya ang makatatanggap ng tig-10 kilo, anim na beses sa loob ng isang taon.
Binigyang-diin din ng Pangulo na may kakayahan ang pamahalaan na tugunan ang pagtaas ng presyo ng pagkain, kahit pa nananatiling hindi kontrolado ang presyo ng langis.










