
Umabot na sa mahigit 71,000 na pamilya, o katumbas ng humigit-kumulang 294,000 na indibidwal, ang bilang na naitalang apektado ng pag aalboroto ng Bulkang Mayon.
Base sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Disaster Response Management, nagmula ang nasabing datos sa humigit-kumulang 200 na barangay sa Bicol Region.
Sa kabilang banda, naitala naman ang mahigit 500 pamilya, o katumbas ng mahigit 1,800 na indibidwal, na pansamantalang nananatili sa 8 bukas na evacuation centers sa nasabing rehiyon, habang humigit-kumulang 100 pamilya, o katumbas ng mahigit 300 indibidwal naman, ang pansamantalang nakikitira sa mga kakilala, kaanak, o kaibigan na hindi apektado ng nasabing sakuna.
Nakapaghatid naman na ng mahigit ₱330 million na halaga ng humanitarian assistance ang ahensiya, habang may mahigit ₱6 billion namang standby funds sakaling kailanganin ng karagdagang tulong.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa Albay, ayon sa PHIVOLCS, kung saan mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ss 6 kilometer radius Permanent Danger Zone at pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.










