Friday, November 13, 2026

Sen. Robinhood Padilla, hinamon ang prosekusyon na imbestigahan din ang kaniyang daang libong mga ginastos; Foi bill, hiniling na maipasa para magkaalaman sinong mga politiko ang namumuhay ng marangya

Hinamon ni Senator-judge Robinhood Padilla ang prosecution team na imbestigahan siya tungkol sa kanya umanong daan-daang libong ginastos.

Nag-ugat ito sa pagkwestyon ni prosecution lawyer Atty. Reynaldo Robles sa testigo ng depensa na si Chadrin Parian kaugnay sa P256,000 na credit card charge ng mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio matapos bumili ng mga sapatos para sa mga kabataang nagkampyeon sa larong basketball noong nakaraang taon sa Malaysia.

Tinanong kasi ni Robles si Parian kung ang ganitong paggastos ba ng isang kaanak ng isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa ay maituturing na simpleng pamumuhay at hindi dapat nagpapakita ng yaman.

Bumwelta si Padilla kay Robles at tinanong kung natanong ba ang mga kasamahan sa prosekusyon kung sino-sino ang mga nagmamay-ari ng mamahaling kotse at tugon ni Robles, wala siyang personal na nalalaman dito.

Binanggit ni Padilla na may mga kongresista na kasama niyang nagsusulong ng Freedom of Information Bill sabay hamon na gawin na ang batas para magkaalaman na kung sinong politiko ang nabubuhay nang sobra sobra at walang kasimple simple, mahal ang kotse at maraming bahay.

Idiniin pa ni Padilla na may kasabihan na dapat tingnan muna ang mga kasamahan bago kumahol o magturo.

Mismong siya aniya ay bukas na magpaimbestiga at hinamon ang prosekusyon na silipin ang kanyang mga ginastos tulad ng P900,000 na gastos at alamin na rin kung saan napunta.

Facebook Comments