
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nitong suriin ang mga alalahanin ni Vice President Sara Duterte hinggil sa kanyang seguridad at sa pamilya nito.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., sinisiguro nila na ang lahat ng mga operasyon na isinagawa ay propesyonal, walang kinikilingan, at nakatuon sa pagprotekta sa bawat Pilipino.
Ipinahayag ito ng liderato ng Pambansang Pulisya matapos magpiyansa ang Bise Presidente nitong Sabado kaugnay ng tatlong bilang ng kasong grave threats na isinampa sa kanya.
Ayon kay Nartatez, kinakailangan ang tuloy-tuloy na pagkilos at pagsunod sa mga propesyonal na pamantayan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa pulisya.
Samantala, inatasan naman ng PNP ang mga kaukulang units nito na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng threat assessment sa Bise Presidente at sa pamilya nito.
Hinihikayat naman ng PNP si Vice President Duterte na magsumite ng dokumento o ulat kaugnay ng sinasabing banta sa kanyang buhay at pamilya.










