
Tinapos na ngayong araw ng House Prosecution Team ang presentation ng mga ebidensya sa impeachment trial kaugnay sa banta ni Vice President Sara Duterte (VPSD) na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 1st Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nakapaloob ang alegasyon sa ikaapat na article of impeachment.
Ikatlo at huling isinalang ng prosekusyon sa witness stand ngayong araw si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Bago siya ay unang iniharap ng prosekusyon bilang mga testigo sina NBI Regional Director Jeremy Lotoc at Senior Agent John Mark Calilung.
Kanilang inilahad ang naging imbestigasyon ng Kamara sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay ni PBBM at iba pang personalidad na inihayag nya sa online press conference noong November 23, 2024.
Bukod pa ito sa ilang mga press conference ni VP Duterte kung saan sinabi nya na nai-imagine nya ang pagputol sa ulo ng pangulo at ang paghukay sa labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., para itapon sa West Philippine Sea.
Inilahad din ang iba pang mga insidente na nagpapakita ng pagiging bayolente ni VP Sara.
Ayon sa House Prosecution Team, nabigo ang depensa na tibagin ang mga testimonya nina Matibag, Lotoc at Calilung lalo’t ang pinakamatibay na ebidensya na may kinausap na taong papatay kay Pangulong Marcos at sa kanyang pamilya ay nagmula mismo sa pahayag ng Bise Presidente.










