Wednesday, July 22, 2026

NBI, may POI na sa diumano’y pagbabanta ni VP Sara Duterte laban sa pangulo at sa pamilya nito

Tumanggi si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na isapubliko o sabihin sa gitna ng paglilitis ng Senate Impeachment Court ang mga persons of interest (POI) na kinausap umano ni Vice President Sara Duterte para isakatuparan ang diumano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Si Matibag ang huling testigo ng House Prosecution Panel kaugnay ng Article IV o grave threat at inciting to sedition ni Vice President Duterte laban sa pangulo at sa pamilya nito.

Sa direct examination ng prosekusyon, tinanong ni Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro kung sino-sino ang mga POI na tinutukoy ni Matibag na kinausap o kinontrata at nakaaalam sa diumano’y pagbabanta ni Vice President Sara laban sa pangulo.

Gayunman, tumanggi si Matibag na sabihin o tukuyin kung sino-sino ang mga POI dahil patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI Special Task Force at pinoprotektahan din nila ang institusyon.

Katwiran din ni Matibag, hindi niya puwedeng sabihin ang mga ito dahil posibleng makompromiso ang kanilang isinasagawang imbestigasyon, maaaring malagay sa alanganin ang kanilang mga informant o asset sa ground, gayundin ang kakayahan nilang maging matagumpay ang operasyon. Puwede ring hindi na sila pagkatiwalaan ng kanilang mga source at may katapat na parusa dahil ang lahat ng confidential, secret, at top-secret na impormasyon ay hindi dapat basta-basta isapubliko.

Naunang kinumpirma ni Matibag ang pagbuo ng special task force para sa karagdagang imbestigasyon ng NBI kaugnay ng diumano’y grave threat ni Vice President Sara kay Pangulong Marcos at sa pamilya nito.

Facebook Comments