Friday, July 17, 2026

Mga respondent sa obstruction complaint, itinanggi ang ‘payoff’ sa missing sabungero case

Itinanggi nina Cristy Ladao at Jocelyn Dela Cruz ang alegasyong tumanggap sila ng pera mula sa kampo ni negosyanteng Charlie “Atong” Ang kapalit ng pag-atras sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa kanilang counter-affidavit na inihain sa Department of Justice (DOJ) nitong Hulyo 17, sinabi ng dalawa na wala umanong katotohanan ang mga paratang at iginiit na sila mismo ang kusang nakipag-ugnayan kay Atty. Caroline Cruz, abogado ni Ang, upang humingi ng payo at tulong kaugnay ng kanilang sitwasyon.

Ayon kina Ladao at Dela Cruz, nagkaroon ng ilang pagpupulong kasama si Atty. Cruz at ang isa pa kaanak ng nawawalqmg sabungero na si Eloisa Bojol noong Marso at Abril ngayong taon ngunit wala umanong naging usapan tungkol sa pag-atras sa kaso at kwentuhan lamang ang nangyari.

Kinumpirma rin nila na may naibigay na maliit na tulong pinansyal si Cruz sa ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero, ngunit iginiit na ito ay kusang-loob na ayuda at hindi kapalit ng anumang pabor.

Sinabi pa ni Ladao na binaluktot umano ng ilang miyembro ng kabilang grupo ang naturang tulong at pinalabas na “payoff.” Iginiit din niya na may hinala silang ang ilang complainant ang nagtatangkang makipagkasundo kapalit ng malaking halaga.

Samantala, nananatiling itinatanggi ng kampo ni Atong Ang na nagkaroon ng anumang negosasyon o alok na settlement kaugnay ng kaso.

Patuloy namang iniimbestigahan ng DOJ ang reklamong obstruction of justice na isinampa laban kina Ladao, Dela Cruz, Atty. Cruz at iba pang respondents.

Facebook Comments