Thursday, November 5, 2026

Pax Silica framework, hindi pa tiyak na mapipirmahan sa pagbisita ni US President Donald Trump sa bansa

Hindi pa matiyak ng Malacañang kung pipirmahan ang Pax Silica framework sa nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit ngayong buwan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hinihintay pa ng gobyerno ang tugon ng Estados Unidos sa panukalang kasunduan.

Nakapagsumite na aniya ng memorandum ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Office of the President, katuwang ang Department of Trade and Industry, at nakatanggap na ng gabay para sa negosasyon at pinal na pagbuo ng kasunduan.

Samantala, tiniyak ng Malacañang na hindi mapapaalis sa kanilang mga tirahan ang mga katutubong Aeta at magsasaka sa Tarlac dahil sa proyekto.

Bagama’t mahigit 6,000 ektarya ang sakop ng lugar, nasa higit 3,000 ektarya lamang aniya ang nakalaan para sa pagtatayo ng mga pasilidad.

Mananatiling nakalaan sa mga komunidad na matagal nang naninirahan sa natitirang lupain.

Facebook Comments