Naaaresto ng Police Regional Office 1 ang tatlong Most Wanted Persons sa magkakahiwalay na operasyon noong Mayo 24, 2026 sa La Union, Baguio City, at Ilocos Norte bilang bahagi ng pinaigting na manhunt operations sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. program.
Sa Bauang, La Union, nadakip ang isang 51-anyos na Overseas Filipino Worker na kabilang sa Top 9 Most Wanted Person ng Region 1 dahil sa kasong Illegal Recruitment by a Syndicate. Pinangunahan ang operasyon ng Bauang Municipal Police Station katuwang ang iba pang police units.
Samantala, sa Quirino Hill, Baguio City, naaresto naman ng mga operatiba ng RMFB1 at CIDG ang isang 39-anyos na lalaki na kabilang sa Top 9 fugitive ng Cordillera Region dahil sa dalawang kaso ng Qualified Theft na may inirekomendang piyansang ₱72,000 bawat kaso.
Sa Batac, Ilocos Norte, nadakip din ang isang 24-anyos na lalaki na nahaharap sa limang bilang ng Statutory Rape at dalawang bilang ng Statutory Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansang ₱400,000 bawat kaso.
Ayon kay PBGEN Jovencio S. Badua Jr., patuloy na paiigtingin ng PRO 1 ang kanilang operasyon upang matunton at maiharap sa korte ang mga nagtatagong pugante. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








