Arestado ang isang 56-anyos na tricycle driver matapos umanong mag-amok at sapilitang pasukin ang bahay ng isang senior citizen sa Brgy. Manlocboc, Aguilar noong gabi ng Mayo 19, 2026.
Batay sa ulat ng Aguilar Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang mga pulis mula sa isang concerned citizen kaugnay ng umano’y kaguluhan sa lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na nasa impluwensiya umano ng alak ang suspek nang magsisigaw at magwala bago sapilitang pumasok sa tahanan ng isang 61-anyos na retiradong inhinyero.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa mismong lugar ng insidente.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon habang inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa insidente at posibleng mga kasong isasampa laban sa kanya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










