Wednesday, July 15, 2026

Prosekusyon, nanindigan na dapat ilabas ang mga tax at bank records ni VPSD; depensa, iginiit naman ang confidentiality at karapatan ng bise

Nanindigan ang House prosecution panel na dapat mapa-subpoena at mailabas ang mga tax records, Anti–Money Laundering Council (AMLC) records at bank accounts ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.

Sa Day 6 ng impeachment trial, nag-deliver ng kanilang mga argumento tungkol sa pagpapa-subpoena ng tax records at bank accounts ni VP Sara kung saan si Cong. Chel Diokno ang naglatag ng mga argumento sa prosekusyon habang si Atty. Michael Poa naman sa panig ng depensa.

Sa argumento ni Diokno, iginiit niya na ang hiling ng prosekusyon ay mailabas ang buong katotohanan sa pamamagitan ng pag-iisyu ng subpoena duces tecum sa tax records, bank accounts, AMLC records ni VP Sara na magpapatunay sa mga alegasyon sa Article 2 o ang unexplained wealth ng bise presidente.

Ipinunto ni Diokno na pinayaman ni VP Duterte ng labis-labis ang kanyang sarili habang ito’y nasa katungkulan sa gobyerno at may mga ari-arian na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Sinabi ni Diokno na binigyan ng Konstitusyon ng extraordinary powers ang impeachment court para busisiin ang mga bank at tax records.

Aniya, ang argumento ng depensa tungkol sa confidentiality nito ay hindi lang legally flawed kundi pagmamaliit at insulto sa impeachment court.

Tinukoy din nito na mula 2007 hanggang 2013 kung saan nagsilbi bilang Mayor at Vice Mayor ng Davao City si VP Sara ay higit P3 billion ang financial activity ng bise presidente.

Samantala, sa argumento ng defense team, binigyang-diin ni Poa na ang sinasabing kapangyarihang ito ng impeachment court ay nagbabalewala sa due process.

Sinabi ni Poa na ang kailangang maging present muna ang mga ebidensya para suportahan ang bawat akusasyon subalit ang nangyayari ngayon ay tila nagiging “fishing expedition”.

Punto naman ng depensa, ginagamit ang subpoena para maging sandata ng fishing expedition lalo’t sa mga nagdaang reklamo na Saballa-Cabrera vs Duterte case ay wala naman silang na-i-attach na mga financial records para patunayan na nagkamal ng ilegal na yaman ang bise presidente.

Tinukoy din ni Poa ang mga batas na Bank-Secrecy Law, Anti-Money Laundering Act, National Internal Revenue Code of 1997 kung saan ipinagbabawal ang paglalabas ng financial records dahil sa isyu ng confidentiality.

Sa huli, iginiit ni Diokno na ang pag-iisyu ng subpoena sa mga tax at bank records ni Duterte ay hindi magkakait sa due process.

Facebook Comments