Thursday, July 9, 2026

Full alert status, itinaas na ng DOE bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Inday

Nakataas na sa full alert status ang Department of Energy (DOE) at mga pangunahing energy stakeholder matapos ilabas ang Tropical Cyclone Advisory
No. 1 dahil sa bagyong bagyong Inday.

Sinabi ni Energy Undersecretary Mario Marasigan, maaga nang ipinatupad ng DOE Task Force on Energy Resiliency ang mga emergency response protocol.

Layon nitong maprotektahan ang mga transmission line, fuel depot, power plant at iba pang pasilidad na pinagkukuhanan ng suplay ng enerhiya sa bansa.

Nakahanda na ang mga utility operator at electric cooperative sakaling magkaroon ng pinsala sa mga imprastraktura dahil sa epekto ng bagyo.

Inatasan na rin ng DOE ang mga power at oil company sa Hilagang Luzon na tiyaking ligtas ang kanilang mga pasilidad, magsagawa ng clearing operations sa paligid ng mga linya ng kuryente, at maghanda ng mga backup generator upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga ospital, evacuation center at iba pang mahahalagang serbisyo.

Una nang sinabi ng DOST-PAGASA na bagama’t hindi inaasahan sng direktang pagtama ng bagyo sa kalakhang bahagi ng bansa, nagbabala naman sila sa posibleng maranasang malalakas na ulan at hangin sa Batanes at iba pang bahagi ng Northern Luzon.

Facebook Comments